23 April 2024

Ang mga tao sa buong NSW ay hinihimok na protektahan ang kanilang sarili laban sa malubhang karamdaman sa pamamagitan ng pagpapaiskedyul na mabakunahan laban sa trangkaso bago dumating ang panahon ng trangkaso ngayong 2024.

Ang pinakahuling ulat sa pagsubaybay sa respiratoryo (respiratory surveillance report) ay nagpapakita na mahigit sa 4,700 katao sa NSW ang nadiyagnos na may trangkaso sa nakaraang apat na linggo, na 16 na porsyentong pagtaas kumpara sa nakaraang taon.

Ang mga ospital sa NSW ay nakatanggap ng 480 karamdaman na tulad ng trangkaso sa pagitan ng ika-6 ng Enero at ika-14 ng Abril, 2024. Kinumpara ito sa 284 sa parehong panahon noong 2023.

Hinihikayat ng Pamahalaan ng NSW ang mga tao na magpaiskedyul na mabakunahan laban sa trangkaso sa pamamagitan ng kanilang lokal na GP o botika bago dumating ang taglamig.

Ang mga taong itinuturing na may mas mataas na panganib ng malalang pagkakasakit mula sa trangkaso ay karapat-dapat para sa libreng bakuna laban sa trangkaso.

Kabilang sa mga uunahing grupo ang:

  • Mga batang may edad na 6 na buwan hanggang wala pang limang taon
  • Mga taong may edad na 65 taon at mas matanda
  • Mga Aboriginal na tao mula 6 na buwang gulang
  • Mga buntis
  • Yaong may malubhang kondisyon sa kalusugan tulad ng diyabetis, kanser, mga sakit sa imyunidad, labis na katabaan, malubhang hika, sakit sa bato, puso, baga o atay.

Inirerekomenda rin ng NSW Health na pag-isipan ang pagkuha ng COVID-19 booster kasabay ng pagbabakuna laban sa trangkaso.

Inirerekomenda ng Australian Technical Advisory Group on Immunization ang pinakabagong payo sa pagpapabakuna laban sa COVID-19:

  • pagpapabakuna laban sa COVID-19 kada anim na buwan para sa lahat ng mga adult (nasa hustong gulang) na 75 taong gulang at mas matanda,
  • pagpapabakuna laban sa COVID-19 tuwing 12 buwan para sa mga adult na 65 hanggang 74 taong gulang, at mga adult na 18 – 64 taong gulang na may malubhang immunocompromise; maaaring pag-isipan ng mga taong ito na magpabakuna tuwing 6 na buwan,
  • pagbabakuna laban sa COVID-19 kada 12 buwan ay maaaring pag-isipan ng lahat ng iba pang mga adult na 18 hanggang 64 na taong gulang, at ang mga may edad na 5 -18 taon na may malubhang immunocompromise.

Kasama sa ilang hakbang upang protektahan ang ating sarili at ang ating mga mahal sa buhay laban sa COVID-19 at trangkaso ang:

  • Manatiling up-to-date sa mga inirerekomendang pagbabakuna sa trangkaso at COVID-19.
  • Manatili sa bahay kung mayroon kang mga sintomas ng sipon o trangkaso at magsuot ng mask kung kailangan mong umalis ng bahay.
  • Magtipon sa labas o sa mga panloob na lugar na may mahusay na bentilasyon.
  • Makipag-usap sa iyong doktor ngayon kung ikaw ay may mas mataas na panganib na magkaroon ng malalang sakit mula sa COVID-19 o trangkaso upang makagawa ng plano kung ano ang gagawin kung ikaw ay magkasakit, kabilang ang mga pagsusuri na dapat gawin, at pag-usapan kung ikaw ay karapat-dapat para sa mga gamot na antiviral.
  • Huwag bumisita sa mga taong may mas mataas na panganib na malubhang magsakit kung mayroon kang mga sintomas ng sipon o trangkaso o nagpositibo sa COVID-19 o influenza.
  • Pag-isipang kumuha ng rapid antigen test bago bisitahin ang mga mahihinang mahal sa buhay, lalo na kung katamtaman o mabilis ang pagkalat ng COVID-19 sa komunidad.

Ang higit pang impormasyon tungkol sa trangkaso at mga bakunang booster laban sa COVID-19 ay matatagpuan sa website ng Pamahalaang NSW.

Mga sipi na mula kay Premier Chris Minns:

“Ang trangkaso ay lubos na nakakahawa, at maaari itong magbanta sa buhay, lalo na sa mga mahihinang grupo tulad ng maliliit na bata, mga buntis, mga matatanda at mga taong may malalang kondisyong medikal.

“Ang pagpapabakuna laban sa trangkaso ang pinakamahusay na paraan upang maprotektahan ang iyong sarili at ang mas malawak na komunidad.”

Mga sipi mula kay Minister for Health Ryan Park:

“Nagsisimula nang dumami ang mga kaso ng trangkaso sa ilang bahagi ng Australya, at inaasahang magsisimula itong dumami sa buong NSW sa lalong madaling panahon, kaya napakahalagang mabakunahan upang protektahan ang iyong sarili at ang iba dahil ayaw mong mapunta sa ospital o ilagay sa panganib ang mga mahihinang miyembro ng komunidad.

“Inirerekomenda sa lahat ng may edad na anim na buwan at mas matanda na magpabakuna laban sa trangkaso at ito ay makukuha sa pamamagitan ng mga GP para sa anumang grupo ng edad, gayundin sa pamamagitan ng mga botika para sa lahat ng may edad na limang taon at mas matanda.”

Mga sipi mulay kay Chief Health Officer Dr Kerry Chant:

“Noong nakaraang taon, nakita natin ang pagtaas ng mga presentasyon ng ED sa mga maliliit na bata na ang ilan ay ipinasok sa intensive care na may mga komplikasyon na nagbabanta sa buhay mula sa trangkaso. Ayaw naming maulit ito sa taong ito, kaya pinapaalalahanan namin ang mga pamilya na ipaiskedyul ngayon ang kanilang mga anak na wala pang 5 taong gulang para sa kanilang libreng bakuna laban sa trangkaso.

“Napakabilis at madaling proseso ang magpaiskedyul sa inyong lokal na doktor o botika na maaari ring magbigay ng iyong bakuna laban sa COVID-19 nang sabay-sabay kung inirerekomenda. Ang simpleng aksyon na ito ay makakatulong sa iyo at sa iyong pamilya na manatiling malusog ngayong taglamig.”